Inaprubahan na ng House Committee on Transportation ang isang resolusyon na humihiling kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., na palawigin ang January 31, 2024 deadline ng consolidation ng prangkisa ng jeepney operators sa ilalim ng Public Utility Vehicle o PUV Modernization Program.
Ang resolusyon ay isinulong ni Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez sa nagpapatuloy ng pagdinig ngayon ukol sa umano’y mga iregularidad sa pagpapatupad ng PUV modernization program.
Ayon sa chairman ng komite na si Antipolo Rep. Romeo Acop, lusot na sa lupon ang resolusyon “subject to style and amendment.”
Paliwang ni Fernandez, marapat palawigin ang naturang deadline na orihinal na itinakda noong December 31, 2023 kasunod ng pahayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ituturing ng colorum o ilegal ang mga unconsolidated PUV pagsapit ng February 1, 2024
Ayon kay Fernandez, layunin ng pagpapalawig sa deadline na magkaroon ng pagkakataon ang Department of Transportation (DOTr) na tugunan at solusyunan ang mga problema sa PUV modernization program sa hangaring mapangalagaan pa rin ang kapakanan at kabuhayan ng mga tsuper.