Tig-₱10,000 cash incentive ang ipinagkaloob ng lokal na pamahalaan ng Binmaley sa dalawang pamilya ng mga centenarian bilang pagkilala sa kanilang pag-abot sa edad na 100 taon.
Isinagawa ang pamamahagi ngayong hapon, Nobyembre 16, kung saan kabilang sa mga benepisyaryo ang pamilya ng isang centenarian na pumanaw nitong Setyembre.
Ayon kay Binmaley Mayor Pedro Merrera III, mahalagang maibigay ang nasabing insentibo bilang pagkilala sa mga nakatatandang mamamayan at karagdagang tulong sa kanilang pamilya, lalo na sa gitna ng mataas na gastusin sa araw-araw.
Isa sa mga nakatanggap ng ₱10,000 cash incentive si Federico Delos Santos, anak ng centenarian na si Anastasia Cerezo Delos Santos mula sa Barangay Basing, Binmaley.
Nagpasalamat ito sa lokal na pamahalaan sa tulong pinansyal na ipinagkaloob sa kanilang pamilya.
Samantala, nakatanggap din ng kaparehong halaga si Juanito Salazar mula sa Barangay Baybay Pulong, matapos pumanaw nitong Setyembre ang kaniyang ama sa edad na 100 taon.
Sa kabila ng pagpanaw ng kaniyang ama, naipagkaloob pa rin sa kanilang pamilya ang nasabing insentibo.
Bukod sa lokal na insentibo, nakasaad din sa Centenarians Act ang ₱100,000 cash gift mula sa pambansang pamahalaan para sa mga kwalipikadong Pilipinong umaabot sa edad na 100 taon.
Magkahiwalay ang nasabing pambansang benepisyo at ang ₱10,000 cash incentive na ipinamahagi ng lokal na pamahalaan ng Binmaley. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







