Manila, Philippines – Kikilos na ang Mababang Kapulungan ng Kongreso para imbestigahan ang trahedya sa Resorts World Manila.
Pangungunahan ng House Committees on Games and Amusement at Public Order and Safety ang imbestigasyon.
Gagawin ang pagdinig sa Miyerkules, alas nuebe ng umaga sa Conference Hall ng Ninoy Aquino International Airport Terminal III na malapit lamang sa Resorts World na pinangyarihan ng insidente.
Ayon kay House Committee on Metro Manila Development Chairman Winston Castelo, bubusisiin nila sa pagdinig ang mga lapses sa security ng casino.
Nais nilang silipin kung may pagkukulang ba sa mga security officers na nagbabantay ng araw na umatake ang gunman.
Sisilipin din sa pagdinig ang hindi paggana ng smoke detector at sprinkle system ng gusali gayundin ang mga nakasarang fire exits dahilan kaya na-trap sa nasusunog na second floor ang mga biktima.
Layon aniya ng imbestigasyon na hindi na maulit ang mga ganitong insidente.
Dagdag naman dito ni House Committee on Games and Amusement Chairman Gus Tambunting ay aalamin nila kung papaano nakapasok ang isang armadong lalaki sa casino na may dala pang gasolina ng ganun lamang kadali.
Giit nito, nararapat lamang na malaman ng publiko ang katotohanan sa likod ng trahedya sa Resorts World Manila.
DZXL558