*Cauayan City, Isabela- *Naging matagumpay ang isinagawang Dry run sa daloy ng trapiko dito sa Lungsod ng Cauayan subalit kailangan pa umanong tutukan ang implimentasyon nito upang malutas ang buhol-buhol na daloy ng trapiko.
Ito ang naging obserbasyon ng mga opisyal ng Pamahalaang Panlungsod kasama ang PNP Cauayan City sa isinagawang Committee hearing sa pangunguna ni Councilor Salcedo Foronda ng Committee on Transportation and Communication.
Aniya, kailangan pa umanong paigtingin ang pagpapatupad sa mga ordinansa na may kaugnayan sa pagresolba sa hindi maayos na daloy ng trapiko dito sa Lungsod ng Cauayan kaya’t pinag-aaralan muli nila kung ano ang mga pwedeng idagdag o alisin sa kanilang ipinanukalang ordinansa upang maging maayos ang daloy ng trapiko dito sa lungsod.
Inirekomenda naman sa naganap na hearing ang pagbabawal sa pagpaparada ng mga namamasadang traysikel sa tapat ng mga eskwelahan na nagiging sanhi umano ng trapiko.
Samantala, mananatili lamang umano ang mga nakalagay na barikada sa tapat ng Primark habang aalisin naman pansamantala ang mga nakalagay na barikada sa mga tapat ng mga inaayos na lansangan.
Panawagan naman ni Councilor Foronda na sumunod na lamang sa batas trapiko upang makaiwas sa mga multa at magkaroon ng disiplina sa pagmamaneho upang makaiwas sa anumang disgrasya.