Nakatakda nang pahabain ng Manila International Airport Authority o MIAA ang retention period ng CCTV footage sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA para mas makaiwas na ang mga Pilipino na mabiktima ng illegal human trafficking.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni MIAA Spokesperson Bryan Co na mula sa 30 days retention period ng CCTV footage sa NAIA ay gagawin na nila itong 90 days.
Ito ay matapos kwesyunin sa pagdinig sa Senado kamakailan ang insufficient memory ng mga CCTV sa NAIA at mga immigration counter sa harap ng kanilang isinagawang pagdinig patungkol sa patuloy na illegal human trafficking incidents sa bansa.
Sinabi ni Co, epektibo ang 90 days retention period ng CCTV footage sa susunod na dalawang linggo na makatutulong para magamit sa ginagawang imbestigasyon laban sa illegal human trafficking.
Sa ngayon aniya ay nagpapatuloy ang procurements process para sa pagbili ng mga bagong equipment at ilalagay sa mga critical camera sa NAIA kung saan lumalabas at pumapasok ang mas maraming pasahero.
Wala naman umanong problema sa pagbili ng mga equipment para ma-upgrade ang mga critical cameras dahil may nakalaang pondo para dito ang MIAA.