Retiradong Bumbero at 2 Iba pa, Nakaligtas sa Pamamaril sa Cagayan!

143

Cauayan City, Isabela- Muntik nang malagay sa balag ng alanganin ang isang retiradong bumbero at dalawa pa nitong kasama matapos na pagbabarilin ang kanilang sakay ng hindi pa nakikilalang salarin sa Sitio Malasat Barangay Sto Domingo, Piat, Cagayan.

Nakaligtas sa pamamaril dakong alas 10:30 ng umaga, April 15, 2020 ang mga biktimang sina Rolando Dela Cruz, 58 anyos, may-asawa, retired BFP, residente ng Barangay Poblacion 2, Piat; Flordeliza Mateo, 62 anyos, at Shamcey Mateo, 9 anyos na kapwa residente ng Barangay Alabiao, Tuao, Cagayan.


Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, galing sa kanilang bukid ang mga biktima lulan ang Toyota Fortuner na may plakang ZCC 735 at nang makarating sa National Highway, sumulpot ang suspek na may taas na 5’10’’ sakay ng Honda XRM na walang plaka at sila’y pinagbabaril ng tatlong beses.

Agad na tumakas ang salarin matapos ang insidente habang naisugod naman ng mga biktima ang kanilang sarili sa ospital para sa kanilang atensyong medikal at sila’y nakalabas na rin ng ospital.

Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang tatlong (3) cartridges ng Caliber 45, isang slug at dalawang deformed slug ng naturang bala.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa naturang pamamaril.



Facebook Comments