Cauayan City, Hindi nakaligtas sa kamay ng mga alagad ng batas ang isang retiradong pulis dahil sa pagpupuslit nito ng ilegal na mga pinutol na kahoy sa bayan ng Tumauini, Isabela.
Nakilala ang suspek na si Rolando Castillo, 54 taong gulang, may-asawa, retired SPO4 ng PNP Tumauini at residente ng Brgy. Anao, Cabagan, Isabela.
Habang nakatakas naman at kasalukuyang at-large ang kasama nito na si Randy Estioko Peduca, nasa wastong gulang, residente naman ng Antagan 1st ng bayan ng Tumauini.
Una rito, nagsanib pwersa para sa Anti-Illegal Logging operation ang mga kasapi ng PNP Tumauini, Provincial Intelligence Unit ng Isabela Police Provincial Office, DENR Cabagan at mga opisyal ng barangay na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.
Nasabat sa Sitio Magoli ng brgy Antagan ang minamanehong Elf Truck ng suspek na may plakang UHK545 at naglalaman ng tinatayang mahigit 300 boardfeet ng Gmelina flitches at 30 sako ng uling.
Walang maipakitang mga kaukulang dokumento ang suspek na dahilan ng kanyang tuluyang pagkakaaresto.