
Binawi ng Land Transportation Office o LTO sa loob ng dalawang taon ang lisensya ng lalaking nakunan ng video na naglalabas umano ng kanyang ari sa harap ng isang babaeng pedestrian.
Sa viral video, makikitang tila dahan-dahang sinusundan ng rider ang babaeng naglalakad sa sidewalk. Nang makalapit, doon umano nito inilabas ang kanyang ari habang nakasakay pa sa motorsiklo, dahilan para matakot at mabahala ang babae.
Ipinataw ang parusa sa direktiba ni LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao matapos ang isinagawang imbestigasyon at pagdinig.
Sa harap mismo ng LTO, kinumpirma ng rider na siya ang lalaking nasa viral video at inamin ding dalawang beses nang nangyari ang insidente.
Dahil dito, idineklarang improper person to operate a motor vehicle ang rider.
Giit ni Lacanilao, hindi dapat palampasin ang ganitong uri ng asal lalo na kung nagdudulot ito ng takot at pangamba sa ibang tao.










