
Dapat gamitin ng mga kasalukuyang barangay officials ang dagdag na panahon sa kanilang termino para mas pagbutihin ang serbisyo sa publiko.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ito ang inaasahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kasunod ng pagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE na nakatakda sana ngayong Nobyembre.
Binigyang-diin ng Palasyo na hindi lamang ito dagdag na panahon sa panunungkulan, kundi dagdag na responsibilidad sa mga barangay at sa mga mamamayan.
Kaya inaasahan ng administrasyon na tututukan ng mga opisyal ang mga pangangailangan at problema sa kanilang mga komunidad.
Sa ilalim ng Republic Act No. 12326, limang taon ang termino ng mga halal na barangay officials at Sangguniang Kabataan members.
Ang susunod na regular na BSKE ay gaganapin sa ikalawang Lunes ng Nobyembre 2028, at kada limang taon pagkatapos nito.










