Isinusulong ni Senator Sherwin Gatchalian ang pagkakaroon ng ‘ridesharing services’ sa Transport Network Vehicle Services (TNVS).
Isa ito sa nakikitang solusyon ng mambabatas sa pagluluwag ng trapiko kasabay na rin ng pagluwag ng COVID-19 restrictions.
Sa Senate Bill 817 ni Gatchalian ay layunin nitong ma-institutionalize ang TNVS upang mapalakas pa ang pagbibigay proteksyon sa mga pasahero at mapalawak pa ang drive advancement sa industriya ng transportasyon.
Ibinabala ni Gatchalian ang ginawang pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA), kung saan pagsapit ng 2035 ay tinatayang aabot sa P5.4 billion ang malulugi sa bansa dahil sa araw-araw na traffic kung hindi maisasaayos ang sitwasyon.
Kung magkakaroon aniya ng development sa TNVS industry tulad ng ‘ridesharing services’ ay malaki ang maibabawas sa volume ng mga sasakyan sa mga lansangan at malaking tulong ito para makabawas sa matinding trapiko lalo na sa mga metropolitan area.
Dagdag pa rito ay makakatulong din ito sa mga vehicle owner laban sa matinding traffic dahil maaaring iwanan na lamang ang kanilang mga sasakyan sa bahay at i-avail ang nasabing serbisyo ng TNVS.
Nakapaloob din sa panukalang batas ang mahigpit na pag-regulate sa TNVS at pagpapataw ng parusa sa mga lalabag sa batas.