Naglabas na ng opisyal na pahayag ang Department of Health (DOH) na nagkukumpirma sa resulta ng pag-aaral ng Philippine Genome Center at ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na may presensya sa Pilipinas ng G614 variant ng SARS-COV-2, isang causative agent ng COVID-19 o nagiging ahente sa pagkakaroon ng COVID virus.
Na-detect ang G614 variant ng SARS-COV-2 sa sample ng positive cases sa Quezon City.
Ayon sa DOH, ang D614D mutation ng virus na naging dahilan sa pagsulpot ng G614 variant ay una nang naiulat sa maraming mga bansang may COVID.
Batay sa mga pag-aaral, ang G614 variant ay halos pinapalitan na nang buo ang D614 virus sa maraming mga bansa sa Europe at America.
Ayon sa DOH, may mga ebidensya na ang mutation ng virus ay nagbibigay daan para mas madali itong makapasok sa kaniyang target cell at maiuugnay sa mas mataas na viral loads ng mga taong tinatamaan nito.
Binigyang- diin naman ng Philippine Genome Center na bagama’t kumpirmadong mayroong G614 variant ng SARS-COV 2 sa bansa, ang sample na sinuri mula sa Quezon City ay hindi nangangahulugangan na mutational landscape sa buong bansa.
Anila, wala pa ring matibay na ebidensiya na ang mga carrier ng G614 variant ay mas madaling makahawa kumpara sa mga carrier ng D614 variant at hindi rin nakakaapekto ang mutation ng virus sa clinical outcome.
Ayon sa RITM, wala pa ring matibay na pag-aaral na tutukoy sa impact o epekto ng virus mutation at epekto nito sa pagdevelop ng bakuna kontra COVID.
Iginiit naman ng DOH na kahit anumang presensya ng virus ang nasa bansa, ang mahalaga pa rin ay sumunod sa mahigpit na preventive measures para makaiwas sa COVID-19.