*Cauayan City, Isabela- *Puspusan na ang isinasagawang road clearing operations ng lokal na pamahalaan ng Cauayan katuwang ang mga barangay officials sa pamamagitan ng paglilinis sa mga pangunahing lansangan sa buong Lungsod alinsunod sa mandato ni Pangulong Rodrigo Duterte na magsagawa ng road clearing operations sa loob lamang ng 60 araw.
Sa eksklusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay City Mayor Bernard Dy, bumuo na Task Force ang LGU Cauayan na tututok at mangangasiwa sa clearing operations sa Lungsod.
Hinihikayat naman ni Mayor Dy ang lahat ng mga opisyal ng Barangay na maghanap ng lugar o mga bakanteng lote na pwedeng paglipatan ng mga tindera sakaling maapektuhan ang mga ito sa isinasagawang clearing operation.
Samantala, nasa 80 porsiyento na ang natatapos sa ginagawang Cauayan City Sports Complex at target itong matapos ngayong buwan ng Disyembre.
Ang Lungsod ng Cauayan ang magiging punong abala sa darating na Cagayan Valley Regional Athletics Association (CAVRAA) sa taong 2020.