Cauayan City, Isabela – Sisimulan na ngayong taong kasalukuyan ang pag sasaayos ng mga tulay, pagpapalawak ng mga kalsada na kinasasakupan ayon sa pamunuan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) – Isabela 3rd District Engineering Office (DEO).
Ito ang ibinahaging impormasyon ni Editha Babaran, District Engineer ng 3rd DEO, para mas maging maayos umano ang mga dadaanang tulay at kalsada.
Aniya, kasama sa proyektong road widening ang kalsada ng Sinamar Norte to Villa Magat Road, Sampaloc to Centro Cabatuan Road at sa Daang Maharlika partikular sa Tagaran hanggang Reina Mercedes Road.
Samantala, kabilang din umano sa mga kukumpunihin na tulay ay ang Macalauan at Diamantina Bridge sa Cabatuan, Isabela at bubuuin naman ang Colorado Overflow Bridge bilang isang permanenteng tulay sa San Guillermo, Isabela.
Nananawagan naman ang nasabing tanggapan sa mga motorista na doble ang pag – iingat lalo sa pagmamaneho para makaiwas sa anumang insidente sa mga dinadaanan.