Nakipagugnayan ang Senior Citizens Partylist sa LGU ng San Jose del Monte (SJDM) City, Bulacan upang maipamahagi ang 37,000 vials ng flu vaccine. Ito at para sa libu-libong senior citizen ng lungsod. Ang turnover ceremony at naganap noong July 9, 2020.
Ikinagalak nina Congresswoman Rida Robes at Mayor Arthur Robes ang proyektong ito ng Senior Citizens Partylist. Ito ay isang malaking tulong sa lungsod na — gaya ng iba pang lugar sa bansa at daigdaig — ay hinaharap ang krisis na dulot ng COVID-19. Nagpasalamat ang congresswoman at mayor kay Senior Citizens Partylist Rep. Francisco G. Datol, Jr. sa kanyang pagpupursige na mabigyan ng flu vaccines ang mga lolo at lola sa SJDM.
“Ang mga senior citizens natin ay nasa high risk group para sa COVID-19. Kaya kailangan talaga nila ng proteksyon laban sa virus. Ang flu vaccine ay makakatulong bilang isang preventive health measure. Kaya nagpapasalamat ako sa Senior Citizens Partylist para sa mga vaccines na ito. Sa hirap ng buhay ngayon, iba talaga ang may nagbibigay, may nagmamalasakit, at may nagmamahal,” ani Congresswoman Rida.
Si Mayor Arthur naman ay nagpahayag, “Alinsunod po ang flu vaccine distribution sa sinasabi ng Republic Act No. 9994 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010. Ang mga seniors po at dapat nating pahalagahan at patuloy na alagaan.”
Ayon sa Senior Citizens Partylist balak din nilang magpatayo ng isang home for the aged sa Bulacan. Bukod sa pagiging tirahan ng mga senior citizens, ito rin ay balak na gagawing isang treatment center para sa mga seniors na may COVID-19.