Naniniwala si Vice President Leni Robredo na ang “People’s Campaign” ng kanyang mga taga-suporta ang magpapanalo sa kanya sa halalan sa 2022.
Sa kanyang mensahe sa ginanap na Robredo’s People Council sa University of the Cordilleras sa Baguio noong Lunes, sinabi ni VP Leni na walang binatbat ang pera at makinarya ng kanyang mga kalaban sa ipinapakitang sigasig at pagmamahal ng kanyang mga taga-suporta.
Aniya, ibang-iba ito sa tradisyunal na kampanya kung saan imbes na naghihintay ng kumpas ng kandidato ang mga volunteer ay sila na mismo ang kusang naghahanda at nagbibigay ng mga campaign paraphernalia.
Paliwanag pa ni Robredo, ang pink na kulay ng kanyang kampanya ay ang kulay ng pagiging radikal at pagtanggap na may mga maling nangyayari sa lipunan ngayon na nais nang baguhin ng mga tao.
Samantala, sa Sabado, Disyembre 11, magkakasa ng Quezon City (QC) Kakampink blood drive ang Doctors for Leni at Kakampink medical volunteers na gaganapin sa Team Leni-Kiko Volunteer Center sa Katipunan Avenue, Quezon City.