Inamin ni dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque na marami ang tumulong sa kanya upang makaalis ng Pilipinas.
Sa interview ng DZXL-RMN Manila, nilinaw din ni Atty. Roque na hindi maituturing na pagtakas ang kaniyang ginawa dahil wala siyang hold departure order at anumang kaso.
Hinamon din ni Roque ang Bureau of Immigration (BI) na maglabas ng dokumentong magpapatunay na iligal ang paglabas niya sa bansa.
“Tama po, marami pong tumulong sa’kin. Unang-una hindi po ako tumakas dahil wala po akong hold departure order at wala akong kahit anong kaso sa kahit anong hukuman. Wala rin akong kahit anong warrant of arrest maski galing sa Kongreso. Meron po akong karapatang bumyahe. Kung meron po silang makita na pineke kong dokumento, eh di maghain sila ng kaso.”
Tahasan ding sinabi ni Roque na pakana nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang panggigipit sa kaniya.
Nanawagan din ito sa Pangulo na linawin sa publiko kung may kakayahan pa ba itong pamunuan ang bansa.
“Ang presidente po ang nasa likod ng lahat ng panggigipit sa’kin. Sinisisi po nila ako dun sa polvoronic video na ipinalabas ni Maharlika, pero ‘yan naman po ay nanggaling sa mga tao na napakalapit din sa kanyang presidente at sa kanyang pamilya.”
Nanindigan naman si Roque na wala umano sa lugar ang mga hinihinging dokumento ng Kamara kaugnay sa pagkakadawit niya sa operasyon ng iligal na POGO sa Pampanga.
Giit ni Roque, susunod lamang siya kung ang Korte Suprema na mismo ang nag-utos na maglabas siya ng mga kaukulang dokumento ukol sa nasabing imbestigasyon.