Posibleng ideklarang persona-non-grata sa Coron, Palawan ang dalawang social media personalities na sina Rendon Labador at Rosmar Tan o si Rosemarie Tan.
Ito ay dahil sa mainit na komprontasyon at umano’y sinigawan nina Rendon at Rosmar ang isang empleyado ng munisipyo.
Sa viral video, mapapanuod na dinuduro ni Rendon ang isang babaeng municipal staff matapos ang isang Facebook post tungkol sa isinagawang activity ng dalawang social media creators sa nasabing lugar.
Batay kasi sa FB post, ginamit lang daw nina Rendon at Rosmar ang mga residente ng Coron, Palawan para sa kanilang social media content.
Pinatulong pa daw ang mga staff ng munisipyo pero hindi naman daw binigyan ng anumang tulong.
Kaugnay nito, isa sa mga miyembro ng sangguniang bayan ng munisipalidad ay nag-post sa kaniyang Facebook account ng isang panukalang resolusyon na naglalayong ideklara sina Rosmar at Rendon na persona-non-grata sa munisipalidad ng Coron.
Sa ngayon ay nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang Coron, Palawan-LGU kasabay ng pangako na ang mga taong sangkot sa insidente ay mahaharap sa nararapat na legal na proseso.