Russian President Vladimir Putin, muling inimbitahan ni Pangulong Duterte na bumisita sa Pilipinas

Muling inimbitahan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Russian President Vladimir Putin na bumisita sa Pilipinas para mapalakas at mapalalim ang kooperasyon sa pagitan ng dalawang bansa.

Ito ang sinabi ng Pangulo kasabay ng video conference niya sa bagong Russian Ambassador to the Philippines na si Marat Pavlov.

Ayon kay Pangulong Duterte, ikinokonsidera ng Pilipinas ang Russia bilang “good friend” at “good partner.”


Aniya, sa susunod na taon na ang ika-45 taong anibersaryo ng diplomatikong ugnayan ng dalawang bansa kaya ginagamit na niya ang oportunidad na ito para imbitahan si Putin na pumunta ng Pilipinas.

Dagdag pa ng Pangulo, magandang oportunidad din ito para mapabuti ang pagkakaibigan at kooperasyon ng dalawang bansa.

Napagtibay ng Pilipinas at Russia ang kooperasyon nito sa defense at security, health, science and technology, at economy.

Nagpapasalamat din si Pangulong Duterte sa Russia sa pagbibigay ng supply ng COVID-19 vaccines sa bansa.

Samantala, tiniyak naman ni Ambassador Pavlov na gagawin niya ang lahat para mapagtibay ang bilateral ties ng dalawang bansa sa kanyang panunungkulan.

Facebook Comments