Russian vaccine, posibleng maging available sa April 2021

Posibleng maaprubahan sa Abril ng susunod na taon ang Russian COVID-19 vaccine na “Sputnik V.”

Ito ang pahayag ng Department of Science and Technology – Philippine Council for Health Research Development (DOST-PCHRD)

Ayon kay PCHRD Executive Director Jaime Montoya, ang availability ng bakuna ay nakadepende sa approval ng Food and Drug Administration (FDA).


Sa taya nila, posibleng aprubahan ng FDA ang Russian vaccine sa katapusan ng first quarter ng 2021.

Paglilinaw ni Montoya, inaprubahan ng Russia ang kanilang bakuna matapos ang Phase 2 ng clinical trials at in-apply sa registration para agad itong magamit.

Ibig sabihin, magagamit lamang ang bakuna sa “high risk” individuals kabilang ang health workers at mga matatanda.

Sasagutin ng Russian government ang lahat ng gastos at ang manufacturer ng ‘Sputnik V’ na Gamaleya ay handang magsagawa ng Phase 3 clinical trials at production ng bakuna.

Ang tanging itutulong ng Pilipinas ay kung saan at kung sino ang puwedeng isalang sa trial.

Inaasahan sa susunod na linggo, posibleng iprisenta ng Gamaleya ang resulta ng Phase 1 at Phase 2 ng kanilang clinical trials sa Vaccine Expert Panel para ito ay mapag-aralan.

Pagkatapos nito ay hihingi sila ng permiso sa FDA para magsagawa ng Phase 3 clinical trials.

Facebook Comments