Ilang lugar sa bansa ang dinayo ng publiko para ipagdiwang ang Pasko sa gitna ng nagpapatuloy na banta ng COVID-19.
Nangunguna rito ang Luneta Park kung saan sa kabila ng mahigpit na ipinapatupad na panuntunan ay ilang pamilya pa rin ang piniling magdiwang ng kapaskuhan sa lugar.
Inaasahan namang ngayong araw ay madaragdagan pa ang mga bibisita sa Luneta na nakatakdang magbukas ngayong hapon.
Maliban sa Luneta na maagang nagsara kahapon, dinayo rin ng publiko ang Bonifacio Shrine sa gilid ng Manila City Hall.
Patok na atraksyon dito ang dancing fountain na sumasabay sa iba’t ibang Christmas carol at OPM songs.
Sa bandang norte naman, alas-5:00 pa lang ng madaling araw binuksan na ang Quezon Memorial Circle na mas may kaunting tao kumpara noong nakaraang taon.
Tuloy naman ang pagbabantay ng Philippine National Police (PNP) para matiyak na nasusunod ng publiko ang ipinatupad na health protocols at social distancing.
Kanina, isang misa ang isinagawa sa Baclaran Church bilang pagkilala sa mga health worker na patuloy na lumalaban para masugpo ang COVID-19 pandemic sa gitna ng pagdiriwang ng Pasko.