Iginiit ni Department of Foreign Affairs (DFA) Sec. Teodoro Locsin Jr. na tuloy ang pakikipaglaban ng Pilipinas para tuluyang mabawi ang sovereign authority sa West Philippine Sea.
Sa kabila ito ng desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipa-iwas ang Philippine Navy na makisali sa mga isinasagawang military drill sa South China Sea.
Ayon kay Locsin, naiintindihan niya ang desisyon ni Pangulong Duterte dahil ayaw lang nito na magresulta sa mas matinding tensyon sa pagitan ng mga makapangyarihang bansa ang ginagawang military drill.
Malinaw rin aniya na kagustuhan ng Pilipinas na mabawi mula sa pang-aangkin ng ibang bansa ang West Philippine Sea, kaya hindi dapat bigyan ng ibang pakahulugan ng China ang pagtanggi ng Pilipinas na lumahok sa military drill.