Nagpaalala ang Pasay City Government na hanggang 150 katao lamang ang sabay-sabay na pinapayang pumasok sa Pasay Public Cemetery and Crematorium.
Habang sa Sta. Clara de Montefalco Cemetery ay 50 lamang ang maaaring pumasok nang sabay-sabay.
Layon nito na mapanatili ang health protocols sa loob ng mga nabanggit na sementeryo.
Nagpaalala rin si Mayor Emi Rubiano sa pamunuan ng mga sementeryo sa Pasay City na tiyaking nasusunod ang health protocols tulad ng pagsusuot ng face masks at face shields, pag-check ng temperatura ng mga bisita at ang pagpapairal sa physical distancing sa loob.
Naka-deploy naman ngayon sa mga nasabing sementeryo ang police at barangay marshals gayundin ang Public Order and Safety Unit (POSU) para matiyak ang seguridad ng mga bisita.
Sa ngayon, isang gate lamang sa Sta. Clara de Montefalco Roman Catholic Cemetery ang binubuksan para sa mga bisita.
Ito ay taliwas sa anim na gates na binubuksan noon sa nasabing sementeryo.
Muli namang nagpaalala ang Pasay City LGU na sarado ang mga sementeryo sa lungsod mula bukas, October 29 hanggang November 4.