Safeguards sa ilalim ng Anti-Terrorism Law, kulang ayon kay VP Robredo

Iginiit ni Vice President Leni Robredo na hindi sapat ang safeguards laban sa anumang pang-aabuso sa ilalim ng Anti-Terrorism Law.

Una nang sinabi ng Malacañang na malaya ang sinumang grupo o indibiduwal na kwestyunin ang legalidad ng Anti-Terrorism Law sa Korte Suprema.

Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, binigyang diin ni Robredo na ang Konstitusyon ay isang “social contract” sa pagitan ng gobyerno at taumbayan kung saan patas na karapatan ang ibinibigay sa magkabilang panig.


Maaaring amiyendahan ng Kongreso ang mga kinukwestyong probisyon.

Umaasa rin si Robredo na ang kataas-taasang hukuman ay magsilbing huling “balwarte” ng demokrasya.

Ipinunto rin ni Robredo na ang mga aksyong ginagawa ng Pamahalaan laban kay Rappler Chief Maria Ressa at sa ABS-CBN ay patunay na maaaring gamitin ang batas bilang armas laban sa mga kritiko.

Binanggit din niya ang mga kasong sedition na isinampa laban sa kanya ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na ibinase lamang sa kasinungalingan.

Aniya, maging si Solicitor General Jose Calida ay bahagi ng paghahain ng kaso laban sa kanya at iba pang miyembro ng oposisyon.

Nanawagan din si Robredo sa publiko na ihayag ang saloobin laban sa kontrobersyal na batas.

Facebook Comments