*Cauayan City, Isabela- *Sinampahan na ng PNP ng patong-patong na kaso ang isang sales agent na nahuli sa pag-iingat ng dalawang (2) sakong marijuana sa quarantine checkpoint sa Brgy. Caquilingan, Cordon, Isabela.
Ang suspek na nakilalang si John Patrick Catabona, 26 taong gulang na residente ng Bagong Sikat, Muñoz, Nueva Ecija ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 11332 dahil walang mga kaukulang dokumento at hindi sumunod sa protocol, *Resistance* and *disobedience* to a *person in authority at *kasong falsification of document by a private individual matapos na pekehin ang IATF ID nito na inisyu umano ng Muñoz agriculture office.
Nakatakda rin kasuhan ngayong araw ang suspek para sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Ayon kay PMaj Alford Accad, hepe ng PNP Cordon, posibleng matagal na itong ginagawa ng suspek at ibinebenta ito sa kanyang mga parokyano.
Tinatayang aabot sa 2.4 milyong piso ang katumbas na halaga ng nakumpiskang marijuana na may bigat na 16 kilograms.
Dagdag pa ng Hepe, mayroon pa silang iniimbestigahan na mga kasamahan din ng suspek na mismong nagbunyag din sa mga kasabwat nito sa illegal na gawain.