Iginiit ni National Task Force against COVID-19 Deputy Chief Implementer, Testing Czar Vince Dizon na kailangan ng bansa na gumamit ng mga bagong teknolohiya lalo na sa pamamaraan ng testing para mapabuti ang pagtugon sa COVID-19.
Ayon kay Dizon, mahalagang mag-adapt ang Pilipinas ng mga bagong testing methods tulad ng antigen testing, saliva testing at breath testing.
Aniya, kapag walang available na Reverse Transcription – Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) ay maaaring gamitin ang mga naunang nabanggit na testing methods.
Batay sa bilang ng mga namamatay sa COVID-19, ipinunto ni Dizon na kaya ng Pilipinas na respondehan ang pandemya.
Gayumpaman, aminado ang opisyal na kailangan pa ring pagbutihin ang prevention at mitigation measures habang patuloy na binubuksan ang ekonomiya.