Cauayan City, Isabela- Sugatan ang tatlong katao makaraang magsalpukan ang sinasakyang motorsiklo at traysikel sa pambansang lansangan sa kahabaan ng Brgy. Sta Filomena, San Mariano, Isabela.
Nakilala ang biktima at drayber ng walang plakang traysike na si Jorlino Pagulayan, 47 anyos, may asawa, residente ng Brgy Mallabo ng San Mariano at pasahero nito na si Melanio Madamba Jr, 24 anyos, estudyante, residente naman ng Old San Mariano, San Mariano, Isabela.
Habang ang suspek at drayber ng motorsiklo na may plakang BO 30095 ay si Armando Ubiña, 50 anyos, magsasaka at residente naman ng Brgy Makindol, Benito Soliven Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PSSgt Jhonimar Baingan, imbestigador ng PNP San Mariano, binabaybay ng traysikel ang nasabing lansangan patungong West na direksyon at nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay biglang sumalpok sa kasalubong na motorsiklo ng suspek.
Ayon kay PSSgt Baingan, umagaw ng linya ang motorsiklo kaya’t nagsalpukan ang mga ito at nabatid na positibo sa alak ang suspek base na rin sa pahayag ng sumuring duktor.
Sa ngayon ay nagpapagaling pa sa pagamutan ang suspek habang nakalabas na ng ospital ang dalawang biktima.
Hinihintay na lamang na makalabas sa ospital ang suspek upang mapag-usapan ng magkabilang panig ang nangyaring insidente.