SALPUKAN NG MOTORSIKLO AT TRAYSIKEL, 3 SUGATAN

Nagtamo ng serious injuries ang tatlong indibidwal matapos masangkot ang mga ito sa isang vehicular accident sa Purok 4. Brgy. San Pablo, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang mga biktima na sina Marie Tulag, Teresa Fabio, habang ang isa pang babaeng sugatan ay kasalukuyan pang inaalam ang pagkakakilanlan.

Sa inisyal na impormasyong nakuha mula kay ginoong John Michael Gammad – Team Leader ng 922 rescue, na nakabase sa Brgy. Villa Luna, lumalabas na tinatahak ng dalawang behikulo ang naturang kalsada sa magkasalungat na direksyon.


Nang makarating sa lugar ng insidente, nag-flasher umano ang traysikel upang magsignal na liliko ito subalit hindi ito napansin ng motorsiklo dahilan ng kanilang salpukan.

Sa lakas ng impak, nagtamo ng malalang pinsala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang tsuper ng traysikel gayundin ang rider at ang angkas nito na parehong walang suot na helmet.

Agad namang isinugod ng rumespondeng otoridad ang mga duguang biktima sa pinakamalapit na pagamutan upang malapatan ng agarang lunas.

Sa pinakahuling ulat, parehong nagpapagaling na sa isang ospital sa lungsod ang mga sangkot sa insidente at nagka-aregluhan na rin ang mga ito.

Nasa kustodiya na ngayon ng PNP Cauayan ang mg sangkot na behikulo para sa tamang disposisyon.

Facebook Comments