Samahan ng mga POGO, umapela sa Senado na bigyan pa sila ng tsansa sa bansa

Umapela sa Senado ang Association of Service Providers and POGOs (ASPAP) na bigyan ng tsansa ang mga legal na POGOs o Philippine Offshore Gaming Operators.

Sa nagpapatuloy na joint hearing ng Committees on Ways and Means at Public Order and Dangerous Drugs, nakiusap ang kinatawan ng ASPAP na si Atty. Paul Bongco na timbanging mabuti ang magandang dulot ng POGO sa bansa.

Tinukoy ni Bongco na sa nakalipas na anim na taon umabot sa halos P62 billion ang kontribusyon ng POGO industry sa kaban ng bayan.


Bukod dito, malaki aniya ang pakinabang ng bansa sa mga POGOs nitong nakalipas na COVID-19 pandemic kung saan bahagi ng apela ng gobyerno ay tumulong sila sa mga kababayang nangangailangan.

Umabot aniya sa P230 million ‘in cash’ ang kanilang naipaabot na tulong, 24 million na relief goods, 300,000 na test kits at 2.5 million na mga surgical masks at hospital equipment ang kanilang naibigay na tulong nitong pandemya.

Dagdag pa sa pakinabang ang trabahong naibigay ng POGO sa mahigit 23,000 na mga Pilipino.

Hinaing pa ng samahan ng mga POGOs sa bansa, nakakalungkot aniya na dahil sa mga hindi magandang pangyayari at mga krimen na kinasangkutan ng iligal na mga POGOs ay nadadamay silang mga sumusunod sa batas.

Natanong naman ni Senate Committee on Ways and Means Chairman Senator Sherwin Gatchalian ang ASPAP kung bakit sa tingin nila ay may mga nangyayaring POGO crimes, tugon ni Bongco na sa kanilang mga myembro ay wala silang namo-monitor o nababalitaan na sangkot sa mga iligal na gawain.

Karaniwan aniyang nasasangkot sa krimen na POGO ay mga iligal, walang mga dokumento at papeles kaya ang mga workers dito ay napipilitang kumapit sa patalim.

Facebook Comments