Sampung school services sa Maynila, magkakaloob ng WiFi connection sa mga lugar na may mahihinang signal

Mag-iikot ang sampung school bus services sa iba’t ibang lugar sa Maynila para magbigay ng “WiFi service” sa mga estudyante para sa kanilang blended learning.

Sa pamamagitan ng inilunsad na programa ng lokal na pamahalaan ng Maynila na “KONEKTayo School Bus WiFi” sa pangunguna ni Mayor Isko Moreno katuwang ang isang telecommunication company ay mabibigyan ng malakas na signal sa internet ang mga lugar na may mahinang signal.

Napiling bigyan ng hanapbuhay ang mga school bus services dahil hindi na makakabiyahe ang mga ito mula nang gawing online at sa bahay na lamang nag-aaral ang mga estudyante.


Kabilang sa mga sites o lugar na popostehan para sa WiFi service ang Pasaje del Carmen St., Regimio St., Gonzalo Gil Puyat St., Bilibid Viejo St., Alfonso Mendoza St., Dalupan St., Oroqueta St. at Basco St.

Magiging available ang WiFi signal mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-7:00 ng gabi, Lunes hanggang Linggo.

Libre naman ang unang oras na gamit ang WiFi para sa mga estudyante at mga guro na nabigyan ng sim cards ng Manila LGU habang magbabayad naman na hindi bababa sa P15.00 kada araw para sa mga taong patuloy na gagamit ng WiFi.

Facebook Comments