San Joaquin, Iloilo, binisita ni Mayor Isko Moreno

Binisita ni Mayor Francisko “Isko” Moreno ang San Joaquin, Iloilo na lugar kung saan ipinanganak ang kaniyang ama na si Joaquin Domagoso.

Dito ay nagkaroon siya ng pagkakataon na makadalo sa Domagoso-Sandoy Family reunion at makilala ang kaniyang mga kamag-anak.

Kasabay ito ng mga aktibidad ng alkalde na bahagi ng kaniyang listening tour partikular sa Sitio Liit, Barangay Purok 1 sa San Joaquin, Iloilo.


Sa pakikipagharap sa higit 200 residente na karamihan ay kaniyang kamag-anak, masaya at nagpapasalat si Mayor Isko dahil sa tagal ng panahon ay nakilala niya ang mga ito.

Sa pahayag ng alkalde, muli niyang iginigiit na kung papalarin, hangad niya lang na mapagaan ang buhay ng bawat Pilipino sa kabila ng mga hirap na dinaranas dahil sa kawalan ng tulong mula sa kinauukulan.

Bukod dito, nagbigay rin ng pahayag si Mayor Isko sa pag-atras ni Sen. Christopher “Bong” Go para kumandidato sa pagka-presidente kung saan hangad niya na makaramdam ng kapayapaan sa sarili ang senador.

Aniya, mahirap na desisyon ang ginawa ni Sen. Go kung saan malaking sakripisyo rin ang pinagdaanan nito.

Umaasa rin si Mayor Isko na magiging panatag ang kalooban ng senador sa mga susunod na araw.

Facebook Comments