San Juan City, nagsagawa na ng simulation para sa COVID-19 vaccination

Nagsagawa na ng simulation ng COVID-19 vaccination ang San Juan City.

Ito ay bahagi na rin ng paghahanda ng lokal na pamahalaan ng San Juan para sa inoculation o pagbabakuna ng unang batch ng mga vaccine recipients na aabot sa 50,000 na residente.

Ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora, bagamat regular namang naisasagawa ang pagbabakuna ng mga city at barangay health officers, mainam pa rin na nakahanda dahil hindi ordinaryo ang pagsasagawa ng COVID-19 vaccination.


Sa ngayon ay umabot pa lamang sa 11,500 na mga residente ng lungsod ang nagpa pre-register para sa COVID-19 vaccination.

Sinabi ni Zamora na ngayon ay malaking hamon sa lokal na pamahalaan kung papaano maiaalis ang pag-aalinlangan at maibabalik ang kumpyansa ng publiko sa COVID-19 vaccine bunsod na rin ng mga naunang kontrobersiya noon sa anti-dengue vaccine na Dengvaxia.

Ang siyudad ng San Juan ay naglaan ng P50 Million na pondo para sa AstraZeneca na binili ng lungsod sa ilalim ng tripartite agreement sa pamahalaan.

Facebook Comments