Sandiganbayan, binigyan ng pagkakataon ang pamilya Marcos na makapag-presenta ng ebidensya sa isang ill-gotten wealth case

Binigyan ng Sandiganbayan ang pamilya Marcos ng isa pang pagkakataon na makapag-presenta ng ebidensya bilang depensa sa isang ill-gotten wealth case na inihain laban sa kanila noong 1987.

Sa isang resolusyon, ibinasura ng Sandiganbayan ang mosyon ng gobyerno ng Pilipinas para ideklarang tinalikuran na ng mga Marcos ang pagkakataon na magpresenta ng ebidensya sa isa sa kanilang mga ill-gotten wealth case.

Inihain ng Presidential Commission on Good Government ang nasabing mosyon ng hindi nakadalo ang mga Marcos sa pagdinig para sa presentasyon ng mga ebidensya noong August 2019


Ito’y kaugnay sa kasong isinampa laban sa kanila noong 1987 kung saan inakusahan ang mag-asawang si Rebecco at Erlinda Panlilio na kasabwat umano ni dating President Ferdinand Marcos at asawa nitong si Imelda Marcos sa pagpapatakbo ng ilang mga ari-arian.

Kabilang dito ang Ternate Development Corporation, Monte Sol Development Corporation, Olas del Mar Development Corporation, Fantasia Filipina Resort Incorporated, Sulo Dobbs Incorporated, Philippine Village Incorporated, Silahis International Hotel at Hotel Properties Incorporated.

Sa desisyon ng Sandiganbayan, binigyang-diin nito na ang pagpayag na makapagpresenta ng mga ebidensya ng mga defendants ay alang-alang sa katotohanan.

Mas naaayon aniya sa hustisya na ang isang partido sa kaso ay mabibigyan ng oportunidad para ipakita ang kanyang depensa kaysa mawala ito ng buhay, kalayaan, dangal at maging ari-arian dahil lamang sa mga teknikalidad.

Facebook Comments