Thursday, November 12, 2026

Sandiganbayan, inusisa ang pagpasok ng personal assistant ni Romualdez sa QC Jail

Inamin ng warden ng Quezon City Jail sa Payatas na pinapayagang makapasok sa detention facility ang personal assistant ni dating House Speaker Martin Romualdez upang asikasuhin ang kaniyang pang-araw-araw na pangangailangan.

Sa pagdinig ng Sandiganbayan Third Division ngayong Huwebes, sinabi ni Jail Superintendent Maria Lourdes Pacion na kabilang sa ginagawa ni Arvin de Guzman ang pag-aayos ng CPAP machine na ginagamit ni Romualdez sa gabi.

Gayunman, kinuwestiyon ng korte kung paano ito nagagawa ni De Guzman gayong alas-otso ng umaga hanggang alas-singko lamang ng hapon ang itinakdang visiting hours sa pasilidad.

Dahil dito, sinita ni Associate Justice Karl Miranda ang jail warden sa magkakaibang pahayag nito at pinaalalahanang sabihin ang katotohanan.

Samantala, ipinatawag din ng Sandiganbayan ang mga opisyal ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) kaugnay ng mga sirang CCTV sa kulungan.

Sa 450 CCTV camera sa pasilidad, 220 lamang ang gumagana, habang wala ring operational CCTV na nakatutok sa lugar ng selda ni Romualdez.

Facebook Comments