Thursday, November 12, 2026

Korte Suprema, nagpaabot ng pakikiramay sa pamilya ng pinaslang na judge sa Zamboanga City

Inatasan ni Chief Justice Rodil Zalameda ang Office of the Court Administrator na makipagtulungan sa pamilya ng hukom na pinaslang sa Zamboanga City.

Binaril si Judge Joseph Wee Sit sa Barangay Tumaga sa naturang lungsod ngayong araw, November 12.

Kaugnay nito, nagpaabot ng pakikiramay ang Korte Suprema sa pamilya, mga kaibigan at kasamahan ng biktima.

Ayon sa SC, tutulungan ang pamilya ni Wee Sit at nakikipag-ugnayan na ang Office of the Judiciary Marshals sa mga awtoridad para imbestigahan ang insidente at matukoy ang mga nasa likod ng pamamaril.

Nagtapos ng abogasya si Wee Sit sa Western Mindanao State University at kalaunan ay naging piskal at public attorney bago italagang judge noong Setyembre ng nakaraang taon.

Wala nang ibang detalyeng ibinigay ang SC para na rin hindi maapektuhan ang isinasagawang imbestigasyon.

Binigyang-diin naman ng Kataas-taasang Hukuman na walang hukom ang dapat mangamba para sa kaniyang buhay dahil lamang sa pagtupad sa tungkulin.

Ang pag-atake din anila sa mga hukom ay hindi lamang banta sa kanilang kaligtasan kundi maging sa kakayahan ng hudikatura na maghatid ng patas na hustisya.

Facebook Comments