Czech Republic — Nang isugod sa ospital ang walang malay na babae dahil sa stroke noong Abril, maliit ang tyansa na mabuhay siya, pati na ang dinadala niyang 15 linggo pa lamang na bata.
Ngunit nitong Agosto 15, sa pamamagitan ng Cesarean, isinilang mula sa nanay na brain-dead ang malusog na baby girl na tumimbang ng 2.13 kg at may laking 16.5 inches.
Idineklarang brain-dead ang hindi pinangalanang nanay nang dumating sa ospital–dahilan para agad gumawa ng paraan ang mga doktor sa University Hospital ng Brno upang sagipin ang dinadala nitong sanggol.
Isinailalim sa artificial life support ang 27-anyos nanay para magpatuloy ang pagbubuntis at regular na ginagalaw ang mga binti nito para magpatuloy ang paglaki ng bata.
Matapos maisilang ang bata makaraan ang halos apat na buwan ng proseso, saksi ang asawa ng babae at buong pamilya, tinanggal na ang life support at hinayaan nang mamatay ang nanay.
“This has really been an extraordinary case when the whole family stood together… without their support and their interest it would never have finished this way,” saad ng head ng gynecology and obstetrics ng ospital.