*Cauayan City, Isabela- **Nabawi na ng mga otoridad sa *bayan ng Tagudin, Ilocos Sur *ang *bagong silang na sanggol na tinangay ng isang ginang mula sa isang pampublikong ospital sa Lungsod ng Santiago.
Natunton sa kanyang pinagtaguan ang suspek na tumangay sa bagong silang na sanggol na si Virginia Semana, 40-anyos, may-asawa at residente ng Barangay Raniag, Ramon, Isabela.
Kinilala naman ang ina ng sanggol na si Brendalyn Ocampo Yacap, 38-anyos at mister nitong si Hilario Gray Yacap, 39-anyos na kapwa residente ng P3 Tanggal, Cordon, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Maj. Reynaldo Balunsat, Station Commander ng presinto dos, isang concerned citizen ang nakapagbigay ng impormasyon sa pulisya kaugnay sa kinaroroonan ng suspek kasama ang tangay na sanggol sa Tagudin, Ilocos Sur.
Sa follow-up operation ng pulisya ay natunton ang suspek sa Barangay Baracbac, Tagudin, Ilocos Sur at nabawi ang tinangay na sanggol.
Matatandaan na kinuha ng suspek ang sanggol sa ospital sa Santiago City noong Biyernes para ipakilalang anak niya umano sa pamilya ng kaniyang nobyong seaman.
Kaugnay nito ay kita rin sa CCTV footage ng ospital ang pagtangay ng babae sa sanggol.
Nakatakdang iuwi ngayon sa Isabela ni Ginoong Yacap ang kanilang sanggol na pansamantalang nasa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Tagudin, Ilocos Sur.