Santiago City Health Office, May Pakiusap sa mga Umalmang Health Workers

Cauayan City, Isabela- Nakikiusap ang City health office ng Santiago sa ilang mga healthcare workers na umalma sa inilabas na Executive Order ng LGU na huwag magalit sa bagong kautusan bagkus ay intindihin at sundin na lamang ito.

Batay kasi sa Executive Order no.2021-08-02 o “𝑨𝒏 𝑬𝒙𝒆𝒄𝒖𝒕𝒊𝒗𝒆 𝑶𝒓𝒅𝒆𝒓 𝑷𝒓𝒐𝒉𝒊𝒃𝒊𝒕𝒊𝒏𝒈 𝑨𝒍𝒍 𝑯𝒆𝒂𝒍𝒕𝒉 𝑾𝒐𝒓𝒌𝒆𝒓𝒔 𝒊𝒏 𝒕𝒉𝒆 𝑪𝒊𝒕𝒚 𝒐𝒇 𝑺𝒂𝒏𝒕𝒊𝒂𝒈𝒐 𝒇𝒓𝒐𝒎 𝒖𝒔𝒊𝒏𝒈 𝒕𝒉𝒆𝒊𝒓 𝑼𝒏𝒊𝒇𝒐𝒓𝒎𝒔, 𝑾𝒉𝒊𝒕𝒆 𝒄𝒐𝒂𝒕, 𝒂𝒏𝒅/𝒐𝒓 𝑺𝒄𝒓𝒖𝒃 𝒔𝒖𝒊𝒕𝒔 𝒊𝒏 𝑷𝒖𝒃𝒍𝒊𝒄 𝑷𝒍𝒂𝒄𝒆𝒔 𝒂𝒇𝒕𝒆𝒓 𝒕𝒉𝒆𝒊𝒓 𝑹𝒆𝒔𝒑𝒆𝒄𝒕𝒊𝒗𝒆 𝑺𝒉𝒊𝒇𝒕𝒔/𝑫𝒖𝒕𝒊𝒆𝒔” na inisyu ni City Mayor Joseph Tan, ipag-utos nito ang pagbabawal sa pagsusuot ng mga health workers ng kanilang medical uniforms, white coat o scrub suit sa mga pampublikong lugar pagkatapos ng kanilang trabaho.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. Genaro Manalo, City Health Officer ng Santiago City, inilabas ang nasabing kautusan matapos makapagtala ang Lungsod ng 20 na health workers na positibo sa COVID-19 at lumabas sa resulta ng kanilang isinagawang contact tracing, nakahawa ang mga ito sa labas ng ospital.


Ikinunsidera aniya na posibleng kumapit sa mga damit, PPE o gamit ng mga health workers ang virus na dahilan ng pagkakahawa ng ilang indibidwal.

Isinuhestiyon ng LGU na magpalit muna ng damit ang mga health workers bago lumabas ng ospital pagkatapos ng duty upang makaiwas sa posibleng pagkalat ng virus.

Gayunman, nilinaw ni Dr. Manalo na maaari pang baguhin ni Mayor Tan ang nasabing hakbang dahil titignan din ang magiging resulta nito sa loob ng isang linggo kung ito ba ay epektibo o hindi.

Samantala, hinihikayat ni Dr. Genaro Manalo ang mamamayan ng Santiago City na magpabakuna kontra COVID-19 upang magkaroon ng mas malakas na proteksyon sa sarili at makaiwas na matamaan ng virus.

Sa kasalukuyan, mayroon ng 37,000 indibidwal ang nabakunahan sa Lungsod.

Nakalatag na rin ang plano ng pamahalaang panlungsod sa pagsasagawa ng mass testing na una na rin inirekomenda ng DOH.

Facebook Comments