Cauayan City, Isabela- Nakategorya sa Community Transmission ng Department of Health (DOH) region 2 ang Santiago City makaraang makapagtala ng kabuuang 161 active cases batay sa pinakahuling datos.
Ayon kay Health Education and Promotion Officer Pauleen Atal, hindi na tukoy ng ahensya kung saan ang pinagmulan ng sakit kung kaya’t maraming pasyente ang tinamaan ng virus.
Batay sa datos ng DOH, nangunguna pa rin ang lungsod ng Tuguegarao na sinundan City of Ilagan, Cauayan City at bayan ng Solano sa Nueva Vizcaya na may mataas na bilang ng community transmission.
Batay naman sa workplace transmission, kabilang ang Cagayan Electric Company 1 sa bayan ng Baggao.
Samantala, pumalo na sa 70 ang naitalang kaso ng pagkamatay may kaugnayan sa COVID-19 ang buong rehiyon dos.
Sa ngayon ay nasa kabuuang 4,516 ang mga naitalang tinamaan ng virus sa rehiyon habang 597 ang nananatiling aktibo.