Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay City Health Officer Dr. Genaro Manalo, umabot na sa 76% ang kanilang vaccination rate at inaasahang tataas pa ito dahil sa patuloy na ginagawang pagbabakuna sa kanilang nasasakupan.
Mula aniya sa mahigit 143,000 na populasyon ng Santiago City ay nasa mahigit 110,000 na ang naturukan ng COVID-19 vaccine.
Ayon kay Dr. Manalo, mismong ang mga vaccinators na ang lumalapit sa mga barangay at business establishments para bakunahan ang mga unvaccinated individuals.
Marami din aniya ang kanilang supply ng COVID-19 vaccines kung kaya’y muling hinihikayat ni Dr. Manalo ang mga hindi pa bakunado na magtungo lamang sa kanilang tanggapan para mabakunahan o di kaya’y sa mga itinalagang vaccination sites.
Nilinaw din ni Dr. Manalo na ang kanilang vaccination activity ay bukas para sa lahat kahit pa galing sa ibang lugar sa bansa.
Samantala, umaabot sa 508 na aktibong kaso ng COVID-19 ang naitala ngayon ng Santiago City.