SAP BENEFICIARIES, IBINAHAGI ANG NATANGGAP NA AYUDA MULA SA DSWD

Cauayan City, Isabela- Hindi lang sila karapat dapat sa ayuda kungdi karapat dapat din silang purihin at pasalamatan. Sabay-sabay na nilibot ng ilang benepisyaryo ng Social Amelioration Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga kabahayang hindi nakatanggap ng ayuda.

Ito ay hindi lang para tumulong sa iba pa nilang kabarangay kungdi para maghatid ng ngiti at inspirasyon sa mga nalungkot na hindi nabiyayaan ng tulong. Ayon kay Ginang Heidee Balbuena, Leader ng SAP Beneficiaries, nagdesisyon silang mag ambag-ambag para tulungan ang mga pamilyang hindi napasama sa nasabing programa ng gobyerno. Giit niya, naniniwala siya na ngayon ang panahon ng pagtutulungan kaya’t hindi nagdalawang isip ang mga ito na tugunan sa maliit na bagay subalit malaking tulong para sa mga pamilyang walang pagkukunan ng makakain dahil umiiral na General Community Quarantine.

Ayon naman kay Kag. Joseph Cortez, Chairman ng Social Service, personal na lumapit sa kanya ang mga SAP beneficiaries para sa kanilang kahilingan na tulungan ang mga pamilyang hindi napasama sa listahan ng mabibigyan ng ayuda. Agad naman itong tumugon at namili ng ilang kakailangan sa pagbibigay ng relief goods.


Dahil sa magandang layunin, dumagdag ang ilang volunteers para tumulong sa pagbibigay ng relief goods upang mapadaling maiabot ang nasabing ayuda. Dagdag pa ng opisyal, sama-samang babalikatin ng mga volunteers ang pagtulong sa kapwa sa panahong kailangan ito ng bawat pamilya. Natakdang ilunsad naman ang ‘ TABLE OF HONESTY’ na layong imulat sa bawat isa ang katapatan para sa mga hindi nakatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan.

Facebook Comments