Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may sapat na pondo ang pamahalaan para rumesponde sa mga apektado ng pagputok ng Bulkang Kanlaon sa Negros Island.
Sa ambush interview sa Bulacan, sinabi ng Pangulo na nakapag-usap na sila ng Department of Budget and Management at siniguro nitong handa silang suportahan ang mga pamilyang inilikas mula sa 6-kilometer danger zone.
Giit ng Pangulo, alam na nila ang dapat gawin pagdating sa ganitong sitwasyon.
Nagsimula na rin aniya silang magpadala ng food packs at mga kailangang gamit ng mga residenteng nasa evacuation center.
Sa ngayon, sabi ng Pangulo, nagpapatuloy ang monitoring ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Science and Technology (DOST) sa kalidad ng hangin sa mga lugar na nakapaligid sa Bulkang Kanlaon.
Ito ay para makita kung may kailangan pang gawin ang pamahalaan sa paglikas ng mga residente oras na mas maging mapanganib ang lumalabas na toxic gas mula sa bulkan.