Sapilitang pagtuturok ng COVID-19 booster shots, hindi pa kailangan sa ngayon ayon sa DOH

Hindi pa kailangan sa ngayon ang mandatory vaccination ng COVID-19 booster shots.

Sinabi ito ni National Vaccination Operations Center chief at Health Undersecretary Myrna Cabotaje kasunod ng suhestiyon ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na gawing mandatory sa lahat ng establisyementong nasa Alert Level 1 ang COVID-19 booster cards.

Ayon kay Cabotaje, mayroon pang ibang paraan upang ikampanya ang COVID-19 vaccination program ng pamahalaan.


Bagama’t naintindihan nito ang nais na bigyan ng karagdagang proteksyon ang publiko sa nakamamatay na virus ay mas tutuunan nila ng pansin na palakasin ang adbokasiya upang dumami ang mga taong nais magpaturok ng ikatalong dose ng bakuna.

Sa kabila nito, inamin din ng opisyal na naging mabagal ang pagbabakuna sa nakalipas na linggo .

Sa ngayon, nasa mahigit 63 milyong Pilipino pa lamang ang fully vaccinated na kung saan 10.1 milyon dito ang nakatanggap na ng booster shot.

Facebook Comments