Sara Duterte, nagbabala kontra online lending na gumagamit ng kanyang larawan

Nagbabala si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa publiko laban sa isang online lending company na iligal na gumagamit ng kanyang pangalan at mukha para manghikayat ng kliyente.

Sa pahayag na inilabas sa Facebook page ng lungsod, nilinaw ng alkalde na wala siyang kaugnayan sa “PesosPh” o kahit anong kompanyang nag-aalok ng fast cash loans na may labis na interes.

“This is to alert the public about an online lending company that illegally used my photo to apparently deceive the public into believing that I am an endorser of their service,” anang pahayag.


Sa isang sponsored post ng nasabing online lending, nag-aalok ang kompanya ng pautang mula sa halagang P300,000 hanggang P2 milyon.

Kaakibat ng post ang larawan ni Duterte-Carpio na may hawak na papel, na ayon sa alkalde ay ipinost niya sa Instagram noong tumaya siya sa lotto, nakaraang tao.

Pinaalalahanan din ang publiko na mag-ingat sa pakikipag-negosasyon sa mga tao, organisasyon, o kompanyang ginagamit siya sa negosyo.

Payo pa ng alkalde, agad isumbong sa pulisya o sa National Bureau of Investigation (NBI) ang mga katulad na aktibidad.

Facebook Comments