SAWI | Most Wanted Person sa Region 4A na sangkot sa iba’t ibang krimen, patay matapos manlaban sa mga pulis

Patay ang number two most wanted sa CALABARZON at kasintahan nito matapos na manlaban sa mga pulis nang ikasa ang operasyon laban dito sa Brgy Caloocan, Talisay, Batangas kahapon.

Kinilala ang nasawing wanted na si Jeffrey Escobido at kasintahan nitong si Jhoan Escano.

Batay sa impormasyong nakuha ng PNP, si Jeffrey Escobido ay may mga kasong pagpatay at pagnanakaw sa Batangas at Quezon.


Direktang sangkot aniya ito sa pagpatay sa dalawang police officer sa Laurel Batangas, pagpatay sa kapatid ng Vice Mayor ng Laurel Batangas at suspek rin sa tangkang pagpatay sa chief of police ng Talisay Municipal Police Station.

Ayon kay CALABARZON Spokesperson Supt Chitadel Gaoiran isisilbi sana ng mga tauhan ng Quezon Police Provincial Office at Batangas Police Provincial Office ang warrant of arrest laban sa suspek.

Pero nagtangka pang tumakas ang suspek kasama ang kanyang girlfriend hanggang sa naabutan sila ng mga pulis at nakipagbarilan pa ang suspek sa mga pulis dahilan ng pagkamatay nito at kanyang kasintahan.

Narekober sa pinangyarihan ng sagupaan ang isang kalibre 45 baril, limang magazine ng 45 caliber at isang caliber 45 armscor.

Nasawi ang mga ito sa loob mismo ng kanilang sasakyan na kanilang ginamit para tumakas.

Facebook Comments