SCAM | POEA, nagbabala sa publiko ukol sa mga iniaalok na trabaho sa cruise ship abroad

Manila, Philippines – Nagbabala ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa publiko na mag-ingat sa mga nag-aalok ng trabaho sa cruise ships abroad.

Ayon sa POEA, mangangako umano ang mga recruiter ng trabaho sa cruise ship, kapalit ng pera na pamproseso sa aplikasyon pero kapag naipadala na ang pera ay bigla na lamang mawawala ang mga ito.

Paalala ng POEA, hindi dapat magbigay ng bayad ang mga aplikante sa cruise ship, pati na ang recruitment at placement fees kung saan hindi rin umano kumukuha ng administrative fees ang mga lehitimong manning agencies at cruise lines.


Iginiit din ng POEA na kabilang sa mga palatandaan na “scam” ang nag-aalok ng trabaho sa cruise ship ay kapag inilagay ang mga anunsyo ng recruiter sa mga website at social media na libre at walang bayad.

Magduda rin kapag idinaan sa e-mails ang paghikayat na mag-apply at sobrang laki ng pangakong sahod at iba pang benepisyo.
Huwag na din pansinin kapag sinabing walang pormal na interview at walang bayad ang aplikasyon pero manghihingi ng pera na pambayad para visa, training at abogado na ipadadaan sa mga money remittances agency.

Facebook Comments