Cauayan City, Isabela- Kasalukuyan pa rin ang paghahandang ginagawa ng Schools Division Office ng Cauayan City para sa pagbubukas ng School year 2021-2022 sa mga pampublikong paaralan sa Setyembre 13.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. Alfredo Gumaru, Schools Division Superintendent, nagsimula na ang Brigada Eskwela sa mga paaralan sa lungsod na bahagi ng pagbubukas ng klase sa susunod na buwan.
Aniya, walang mababago sa paraan ng new normal sa mga paaralan dahil tuloy-tuloy pa rin ang pag-iimprenta ng mga modules na siyang gagamitin ng mga mag-aaral.
Gayunman, mananatili pa rin ang pagsasahimpapawid ng mga leksyon ng aralin, bagay na naging maganda ang impact sa mga mag-aaral.
Simula bukas, Agosto 10, 2021 ay may mga programang inihanda ang SDO Cauayan City para sa mga Guro gaya ng safety measures para sa pagbabalik ng klase at upang higit na magampanan ang kanilang mga tungkulin.
Samantala, bumaba ng bahagya ang bilang ng mga inisyal na nagpatalang estudyante sa pagbubukas ng klase.
Bukod pa dito, bagama’t kanselado ang sports event dahil sa pandemya ay plano ng DepED na magsagawa ng mga aktibidad sa barangay level upang matutukan ang kasanayan ng mga bata pagdating sa larangang ito.
Tiniyak naman ng SDO Cauayan ang kanilang pagsisigurong walang mag-aaral ang maiiwan kundi mas magiging produktibo pa ang mga ito sa kabila ng nararanasang pandemya.