Cauayan City, Isabela- Pinaghahandaan na ng School’s Division Office (SDO) Cauayan City ang pagbubukas ng klase sa Agosto 24, 2020 para sa School Year 2020-2021.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay *Dr*. *Fred Gumaru, *Schools Division Superintendent ng *SDO Cauayan* City, mayroon nang ginawang survey sa mga guro sa Lungsod upang malaman kung gaano kahanda ang mga ito sa bagong istilo ng pagtuturo para sa ‘new normal’.
Ikinukonsidera aniya nila sa kanilang flexible learning options ang pagtuturo sa online, offline at modular dahil hindi naman aniya lahat ng mga estudyante ay may access sa internet.
Posible rin aniya ang face to face sa mga estudyante basta maobserbahan ang physical distancing o pagbisita sa kani-kanilang mga bahay lalo na kung kinakailangan.
Kaugnay nito, magsasagawa din ng survey ang SDO Cauayan sa mga magulang upang malaman kung kayang gabayan ang kanilang mga anak sa modular system.
Kung hindi aniya nila ito kakayanin ay mayroon namang adjustment na gagawin ang SDO upang matutukan at mabigyan pa rin ng kalidad na edukasyon ang mga mag-aaral.
Dagdag pa ni Dr. Gumaru, wala naman aniya silang problema sa enrollment system ng mga estudyante dahil magbabase na lamang sila sa mga datos noong nakaraang taon.