Cauayan City, Isabela- “Paano nakalusot?”, ito ang iisang tanong ng mga front liners sa pagdating ng seaman kaninang madaling araw sa Lungsod ng Cauayan na galing ng United Kingdom.
Agad na idiniretso ang seaman sa FL Dy Coliseum kasama ang kanyang asawa at driver na sumundo sa kanya.
Ayon sa interview ng 98.5 iFM Cauayan kasama ang kinatawan ng City health office, March 19 pa siya dumating sa Ninoy Aquino International Airport galing UK.
Sinundo siya ng maybahay nito kahapon, March 24, 2020 at dumating sa Lungsod kaninang madaling araw.
Aminado ang asawa ng seaman na wala silang travel pass sa pagsundo dahil kinansela na nga ng lungsod ng Cauayan ang pagpapalabas ng mga travel pass.
Ngunit naging palaisipan paano sila nakalusot sa kabila ng sinasabi at ipinangangalandakang MAHIGPIT na checkpoint sa bawat Lalawigan at bayan.
Sa pagsusuri at base sa thermal scanner ay nasa normal ang kanilang body temperature at wala ding nakita ng sintomas ng ubo at sipon.
Pinayuhan naman ang seaman kasama ang asawa at driver na sumailalim sa home quarantine.
Ang mag-asawa ay nakauwi na sa kanilang bahay sa San Lorenzo Subd. sa Brgy. Marabulig 1, Cauayan City habang nakiusap din ang seaman na ihatid sa Gamu, Isabela ang kanilang driver na sumundo sa kanya.