Search and retrieval operations sa gumuhong pader sa isang construction site sa Tagaytay City, natapos na ayon sa Tagaytay City Police

Kinumpirma ng Tagaytay City Police na natapos na ang search and retrieval operations sa gumuhong pader sa isang construction site sa Brgy. Kaybagal Central, Tagaytay City.

Ayon kay Tagaytay City Police Chief Police Lieutenant Colonel Norman Rañon, alas-dose kinse kaninang tanghali natapos ang paghuhukay sa lahat ng bangkay ng mga kalalakihan na pawang mga construction worker.

Anim ang kumpirmadong patay habang dalawa naman ang sugatan sa naturang insidente.


Hindi naman pinangalanan ni Rañon ang mga nasawi dahil hindi pa naabisuhan ang kanilang mga pamilya.

Matatandaang alas-6:20 kagabi nang mangyari ang insidente habang nagpapahinga sa kanilang barracks ang walong construction worker.

Isang bangkay ang agad narekober kagabi habang nahukay ang lima mula kaninang madaling araw hanggang kaninang tanghali.

Sa exclusive interview ng RMN Manila sa isa sa mga nakaligtas na si Engr. Marco Paulo, sinabi nito na dahil sa malakas na ulan ay rumagasa ang putik na galing sa itaas at hindi ito kinaya ng sementadong pader ng Hortaleza Farm.

Sa ngayon ay nasa ospital na ang mga bangkay para sa iisang lugar na lamang ito pupuntahan ng mga kaanak at coordinator.

Facebook Comments