Manila, Philippines – Inulan din ng batikos si Justice Secretary Vitaliano Aguirre mula sa mga miyebro ng majority bloc na sina senators Win Gatchalian, Grace Poe at Panfilo Ping Lacson.
Kaugnay ito sa pagdawit ni Aguirre kina minority senators Bam Aquino at Antonio Trillanes IV sa Marawi Seige.
Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian, dapat maging maingat at patas si Aguirre sa pagbabato ng akusasyon na nakakasira ng reputasyon.
Giit ni Gatchalian kay Aquirre, ibase ang mga pahayag sa mga ebidensya.
Si Committee on Public Information and Mass Media Chairperson Senator Grace Poe naman ikinaalarma na ang paglipana ng fake news sa internet.
Nakakadismaya, ayon kay Senator Poe, dahil mismong ang kalihim pa ng Dept. of Justice ang tumatangkilik sa fake news para sirain ang mga kalaban sa politika.
Payo ni Senator Poe kay Secretary Aguirre, gampanan nito ang kanyang tungkulin ng tapat at nakasandig sa katotohanan.
Mensahe naman ni Senator Lacson Kay Aguire, dapat paulit ulit itong magsagawa ng fact check o birepikason bago maglabas ng mga delikadong impormasyon.
DZXL558, Grace Mariano